Tuesday, November 17, 2026

Umano’y hindi makatarungang pag-aresto sa mga raliyista sa Muntinlupa City at Liwasang Bonifacio, pinaiimbestigahan ng isang mambabatas

Nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima, ng masusing imbestigasyon kaugnay sa umano’y hindi makatarungang pag-aresto sa mga raliyista sa Muntinlupa City at Liwasang Bonifacio sa kasagsagan ng ASEAN Summit 2026.

Sa isang pahayag, kinuwestiyon ng mambabatas kung naipatupad ba ng mga pulis ang maximum tolerance at pagrespeto sa freedom of speech at expression ng mga naarestong raliyista.

Ayon kay De Lima, may mga ulat at video kasi na nagpapakita ng umano’y karahasan ng mga pulis laban sa mga naarestong raliyista, at umano’y pagkakait ng karapatan na kumunsulta sa abogado at bisitahin ng kanilang pamilya.

Paglilinaw ng mambatatas, nauunawaan nila ang pangangailangan sa maayos na pagtanggap sa mga bisita mula sa iba’t ibang bansa, pero hindi umano ito nangangahulugan na kailangang patahimikin at ipagkait sa mga Pilipino ang kanilang karapatan na manawagan sa gobyerno.

Mariing iginiit ni De Lima, kailangang palayain ang mga ikinulong na raliyista at panagutin ang mga dapat managot sa hindi makatarungang pag-aresto sa mga ito.

Facebook Comments