
Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang kakulangan sa suplay ng mga pangunahing bilihin sa bansa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga manufacturer upang matiyak ang sapat na suplay kahit tumataas ang gastusin sa produksyon.
Ayon sa DTI, nakahanda rin ang mga programa tulad ng loan assistance para matulungan ang maliliit na negosyo na apektado ng krisis.
Dagdag ni Roque, maaaring lumapit sa ahensya ang mga driver ng pampublikong sasakyan na pansamantalang tumigil sa pagbiyahe at nais magnegosyo.
May nakalaan ding pondo para sa mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng kaguluhan at napauwi sa bansa, sakaling nais nilang magsimula ng negosyo.










