Duktor na Kauna-unahang Naturukan ng COVID-19 Vaccine, Umapela sa Publiko na Magpabakuna

Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang publiko na magpa bakuna na rin sa kabila ng pagsisimula ng COVID-19 Vaccination sa rehiyon dos.

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC at kauna-unahang nabakunahan ng COVID-19 vaccine (Sinovac) sa buong Lambak ng Cagayan ngayong araw, Marso 7, 2021, umaapela ito sa iba pang mga health workers at indibidwal na may pangamba at agam-agam pa rin sa bakuna na huwag matakot bagkus ay magtiwala dahil ligtas naman aniya ito sa lahat.

Bagamat nasa 50 porsiyento lamang ang efficacy rate ng Sinovac vaccine ay kumpiyansa naman si Dr. Baggao sa itinurok na bakuna sa kanya dahil aprubado naman ito ng FDA at dumaan sa masusing pagsusuri.


Kanyang sinabi na mas mahalaga pa rin na mayroong proteksyon sa sarili lalo na ang iba pang mga healthworkers at frontliners na lumalaban sa COVID-19 pandemic.

Hindi naman aniya nito maitatanggi na mayroong kaunting epekto na kanyang naramdaman pagkatapos mabakunahan dahil ito’y normal lamang aniya na magiging reaksyon ng katawan oras na nabakunahan.

Pero, tiniyak naman ni Dr. Baggao na kung sakaling may mga health workers na makaranas ng adverse impact ng bakuna ay nakahanda namang tumugon ang nasabing ospital subalit umaasa pa rin ang Center Chief na maisasagawa ng matagumpay at maayos ang pagbabakuna sa nasabing ospital.

Samantala, nagpapasalamat naman si Dr. Glenn Baggao kay Pangulong Duterte dahil sa pagsisimula ng pagbabakuna sa rehiyon at naniniwala ito na mabawasan na ang bilang ng mga nagpopositibo at tuluyan ng masugpo ang COVID-19.

Facebook Comments