Manila, Philippines – Sinalag ng isang administration congressman ang mga negatibong ibinabato laban sa pamahalaan dahil sa kontrobersyal na fishing incident sa Scarborough Shoal.
Sinasabing umuuwing luhaan ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal dahil kinukuha ng mga Chinese fishermen at Chinese Coast Guard ang kanilang huling isda.
Ayon kay Parañaque Representative Gus Tambunting, tinutugunan ni Pangulong Duterte ang problema sa Scarborough Shoal at sa iba pang teritoryo sa West Philippine Sea sa mapayapang paraan.
Ayaw lamang aniya ng Pangulo na palalain ang sitwasyon sa Scarborough Shoal kaya idinadaan lahat sa diplomasya.
Sa katunayan, sa naging pamamaraan ng gobyerno ay ngayon lamang nakakapangisda ulit ang mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ng kongresista, ipagpapatuloy ng gobyerno ang diplomatikong pamamaraan sa pagresolba ng problema sa mga pinag-aagawang teritoryo para sa interes ng mas nakararaming Pilipino.