DUMEPENSA | Malacañang, nanindigan na hindi nila kinukunsinte ang mga human rights violation

Manila, Philippines – Nanindigan ang Malacañang na hindi nila kinukunsinte ang mga human rights violation sa bansa.

Nabatid kasi na hinaharang ng grupong human rights watch ang membership ng Pilipinas sa Human Rights Council dahil sa mga kaso ng extra judicial killings (EJK) ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, naniniwala siyang walang human rights crisis na umiiral sa bansa tulad ng pinalalabas ng mga kritiko.


Dagdag pa ni Panelo na kahit si Pangulong Rodrigo Duterte ay ilang ulit nang sinabi na hindi niya pahihintulutan ang paglabag sa karapatang pantao.

Maging sa unang State of the Nation ng Pangulo ay sinabi nito na bagaman at nagdeklara siya ng giyera laban sa iligal na droga, hahabulin niya ang mga opisyal ng pamahalaan na aabuso sa kanilang awtoridad.

Patunay dito ang pagsasampa ng kaso laban sa mga pulis na umabuso sa mga isinagawa nilang mga operasyon.

Sa huli, iginiit pa ni Panelo na desisyon na ng Human Rights Council kung tatanggapin nito o hindi ang aplikasyon ng Pilipinas.

Facebook Comments