Manila, Philippines – Para kay Senator Francis Chiz Escudero, sinayang ng administrasyong Duterte ang pagkakataon na patunayan lalo na sa international community na hindi nito kinukunsinto ang mga abusadong pulis kasabay ng gera kontra ilegal na droga.
Reaksyon ito ni Escudero, makaraag ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinapabalik na niya sa tungkulin si Supt. Marvin Marcos at ang mga tauhan nito.
Si Marcos at mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG region 8 ay pawang sangkot sa pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa habang nakaditine sa Baybay Sub Provincial Jail.
Kasabay nito ay nais ding malaman ni Escudero kung ano na ang estado ng kasong administratibo laban sa grupo ni Marcos na nakasampa sa National Police Commission o NAPOLCOM.
Una ng nagpahayag ng pakadismaya si Escudero ng ibaba ng Dept. of Justice sa homicide ang naunang rekomendasyon na sampahan ng kasong murder si Marcos at mga kasamahan nitong pulis.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558