Duterte: Kung ‘di naging Presidente, baka gun-for-hire ako

President Rodrigo Duterte. Screengrab from RTVM YouTube

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules na kung hindi siya nauwing abogado at pinakamataas na opisyal ng bansa ngayon, marahil ay naging “gun-for-hire” siya laban sa mga drug lord.

Sa oath-taking ng National Commission for Culture and the Arts at pagpapakilala sa 12th Ani ng Dangal awardees sa Malacañang, nagpahayag ang Pangulo ng pagkabahala para sa susunod na henerasyon kung hindi umano matatapos ang problema sa droga.

“Wala na tayong pinagusapan na mga patriotism… ‘Yung apo ko lang. Kawawa naman. Kung kaya ubusin nila, I hope that somebody will also one day rise and just slash the heads of (these drug lords),” ani Duterte.


“But you might call me brutal. Alam mo naman kung hindi ako naging abogado, hindi ako naging Presidente, baka gun-for-hire rin ako, kalaban sa mga droga,” dagdag niya.

Inilunsad ni Duterte ang “Oplan Tokhang” o kampanya kontra droga nang maluklok sa puwesto noong 2016.

Simula noon, higit 5,000 katao na ang naiulat na namatay, ngunit iginigiit ng mga human rights group na halos 27,000 ang kabuuang bilang kasama ang umano’y extrajudicial killings.

Muli namang nangako ang Pangulo na tutuldukan ang problema ng bansa sa droga.

“Itong droga, talagang papatayin ko ‘to. I hope that the next 12 years would be critical. Uubusin ko talaga itong mga p***** i**** ‘to,” saad niya.

Facebook Comments