Nag-alok ng pabuyang P30,000 si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga opisyal na nambubulsa ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP).
“Siya po ay magbibigay ng pabuya na P30,000 sa sino man po ang magre-report ng local government officials na kumakana o kinukurakot ang mga ayuda para sa mga mahihirap,” saad ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nitong Lunes.
Ito’y matapos makarating sa kaalaman ni Duterte ang ginawa ng isang barangay kagawad sa Bulacan na inaresto sa umano’y pambubulsa ng higit pa sa kalahati ng ayudang para sa mga residente.
(BASAHIN: Kagawad, arestado sa pambubulsa umano ng SAP)
“Mahirap na nga, ikaw may trabaho ka na, kagawad ka, p*tangina, kukunin mo pa ‘yung pera ng mahirap,” pahayag ng Pangulo rito.
Ipinag-utos ni Duterte sa mga mayor ang pagbabantay sa mga naatasang mamahagi ng cash aid sa kanilang lungsod.
Sa mga nais naman magsumbong ng katiwalian, sinabi ni Roque na maaring tumawag lamang sa 8888.