Duterte, nagdadasal sa Diyos na iligtas sa ISIS ang bansa

Nagpahayag ng pagkabahala si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng pag-atake ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Pilipinas.

Sa oath-taking ceremony ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malacañang, Lunes, sinabi ni Duterte na ipinagdadasal niya sa Diyos na ilayo ang bansa sa “kalupitan” ng grupo.

“Ang tinatakutan ko ‘yung just like Iraq, Syria na maraming inosenteng taong nadadale,” ani Duterte.


“Talagang ako’y nagdarasal, I’m praying, I really pray, talagang lumuluhod ako sa Diyos na to spare us the kind of brutality and cruelty in our country because it will really be bloody, bloody as it can ever be,” dagdag niya.

Hindi rin daw papayag ang pangulo na sa panahon niya mangyari ang paglaganap ng ISIS sa bansa.

“Ayaw kong mag-umpisa. Ayaw ko naman sa panahon ko na gagawin mo sa akin ‘yan. Do it some other time pero ‘wag sa akin. Hindi talaga ako papayag at hindi ako magpalugi,” aniya.

Ilang dayuhang terorista ang napaulat na umanib sa Abu Sayyaf sa Sulu, na pinangungunahan ni Hatib Hajan Sawadjaan, sinasabing lider ng ISIS sa bansa.

Iniugnay si Sawadjaan sa nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu noong Hunyo.

Facebook Comments