Hindi pa man nagsisimula, inaasahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkatalo ng Philippine basketball team sa FIBA World Cup 2019.
Nakatakdang bumisita sa China si Duterte ngayong buwan para makipagpulong kay Chinese President Xi Jinping at panoorin ang Basketball World Cup kung saan makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Italy, Serbia, at Angola.
“Ang problema ang unang kalaban natin Italy. Wala. Ang sunod, ah wala talo tayo sa Croatia. Wala, talo tayo, walang laban. Walang tayo diyan. China na lang tayo magpusta,” pahayag ni Duterte sa oath-taking ng Filipino-Chinese businessmen sa Malacañang.
“Wala. Ay sus. Pa-corny ka pa. Wala talaga tayo. We will lose dito sa… Italian, ang lalaki kaya niyang mga g*g*** ‘yan,” dagdag niya.
Gayunpaman, sinabi ng pangulo na may tyansa ang Gilas kontra Angola.
“Dito, ang sunod natin Angola. Ah ito, pwede natin ilibing nang buhay,” aniya.
Samantala, ipinagmalaki naman ng pangulo na sasamahan siya ng Chinese Vice-President, bagay umano na duda siyang gagawin ng America.
“Samahan ako ng vice president mismo ng China doon sa basketball. Biro mo? Totoo ‘yan. It’s a break in protocol,” ani Duterte.
Magsisimula ang laban ng Gilas kontra Italy sa Agosto 31, sa Serbia sa Setyembre 2, at sa Angola sa Setyembre 4.