Duterte Youth Party-list, naghain ng pormal na reklamo laban sa substitution ni dating COMELEC Commissioner Rowena Guanzon sa P3PWD Party-list

Naghain ng pormal na reklamo ang Duterte Youth Party-list sa substitution ni retired Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon bilang nominee ng P3PWD Party-list.

Ang reklamong isinumite sa COMELEC ay pirmado nina Duterte Youth Chairman Ronald Cardema at ng asawa nitong si Duterte Youth Party-list Rep. Ducielle Cardema.

Nakasaad sa complaint na ang isinumiteng substitution documents ng P3PWD Party-list ay lagpas na sa itinakdang deadline noong November 15, 2021 para sa mga kasong may kaugnayan sa pag-withdraw sa nominasyon.


Iginiit sa reklamo na ang tangkang substitution ng P3PWD Party-list ay malinaw na paglabag sa rules ng ahensya sa ilalim ng COMELEC Resolution 9366.

Partikular dito ang paglabag sa alituntunin ng COMELEC patungkol sa deadline ng substitution at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

Magkagayunman, nanindigan naman si Guanzon na ang kanyang substitution sa nasabing Party-list ay pinapayagan ng batas.

Facebook Comments