Kaisa si Senator Leila de Lima sa mga humihiling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspindihin ang operasyon ng E-sabong hangga’t hindi nareresolba ang pagkawala ng 34 na mga sabungero.
Kung tutuusin para kay De Lima, mas makabubuting tuluyang ihinto ang operasyon ng E-sabong.
Diin ni De Lima, ito ay kung hindi naman kaya ng ating mga batas na kontrolin ang operasyon ng E-sabong at kung hindi kayang protektahan ang publiko mula rito.
Nakakaalarma para kay De Lima na patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga sabungerong nawawala na konektado sa online sabong.
Giit pa ni De Lima, nilalason din ng E-sabong ang mga Pilipino at pinapaniwalaang makikita sa sugal ang solusyon sa problema ng kahirapan na lalong pinalala ng nararansang pandemya.
Paliwanag ni De Lima, ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ang dapat mangibabaw at hindi matutumbasan ng kahit na anong uri ng sugal ang buhay ng mga Pilipino.