Ipinamalas ng mga estudyante sa Dagupan City ang kanilang talento at enerhiya sa pagsasayaw bilang bahagi ng pagsusulong ng kamalayan sa kahalagahan ng mental health o kalusugang pangkaisipan.
Isinagawa ang “Move for Your Mind: A Mental Health Dance Contest” noong Nobyembre 12 sa Dagupan City Plaza, na nilahukan ng iba’t ibang paaralan sa lungsod.
Nanguna bilang champion ang East Central Integrated School, habang first runner-up naman ang Carael National High School at second runner-up ang Federico N. Ceralde Integrated School.
Nakiisa rin sa aktibidad sina Vice Mayor Bryan Kua, Councilor Michael Fernandez at Councilor Doc Jaja Cayabyab bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang nagtataguyod ng mental health at kapakanan ng kabataan.
Naging katuwang sa pagsasagawa ng patimpalak ang City Health Office, Department of Health Center for Health Development Region 1 at Department of Education Schools Division Office ng Dagupan, kasama ang mga lumahok na paaralan.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, layunin ng lokal na pamahalaan na hikayatin ang mga kabataan na pahalagahan ang kanilang kalusugang pangkaisipan at gamitin ang mga positibong gawain tulad ng pagsasayaw bilang paraan ng pagpapahayag ng sarili. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











