
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi maaapektuhan ang regular na operasyon ng pulisya o mababawasan ang presensya nito sa mga komunidad sa buong bansa.
Ito ay sa kabila ng pinaigting na paghahanda sa seguridad para sa ika-49 na ASEAN Summit sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan nito ang lahat ng regional at local police commander na tiyaking may sapat na bilang ng mga tauhan sa kani-kanilang lugar para maipagpatuloy ang pagpapatrolya, mga operasyon para sa pag-iwas sa krimen, at mga serbisyong pagtugon sa emergency.
Kaugnay nito, nakafull alert status na ang PNP ngayong araw hanggang November 19 sa National Capital Region Police Office (NCRPO), Police Regional Office 3 sa Central Luzon, Police Regional Office 4A sa Calabarzon, at lahat ng unit na nakabase sa Camp Crame sa Quezon City.










