ECC, inaprubahan ang sickness benefits ng isang call center agent

Inaprubahan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang aplikasyon ng isang call center agent upang makakuha ng sickness benefits matapos maaksidente sa kanyang daan pauwi galing sa trabaho at magtamo ng multiple injuries noong Hunyo 2018.

Ang naturang kaso ay inapela sa ECC matapos hindi aprubahan ng Social Security System (SSS) ang aplikasyon dahil sa paglihis ng empleyado sa kanyang palagiang ruta pauwi sa tinutuluyan nitong boarding house malapit sa pinagtatrabahuhang kompanya sa Bacolod.

Ayon sa resulta ng imbestigasyon ng SSS, ang aksidente ay naganap habang binabaybay ng empleyado ang daan patungo sa kanyang inuuwian sa Himamaylan, Negros Occidental sa halip na patungo sa kanyang boarding house, na siyang naging basehan ng desisyon ng SSS na hindi aprubahan ang kanyang aplikasyon.


Matapos dumaan sa pagsusuri at deliberasyon ng ECC, ipinasya nito na aprubahan ang aplikasyon ng naturang empleyado upang matanggap ang kanyang kaukulang EC sickness benefits.

Bukod dito, ipinasya din ng ECC na siya ay mabigyan ng reimbursement para sa kanyang mga nagastos sa pagpapa-ospital at pagpapagamot.

Facebook Comments