Ipinakukunsidera ni Rizal Rep. Fidel Nograles sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang magiging epekto sa ekonomiya sakaling isailalim muli sa Alert Level 4 ang Metro Manila at mga karatig probinsya.
Isa kasi sa pinag-aaralan ng IATF ang pagtaas ng Alert Level sa NCR at sa mga kalapit lugar dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases bunsod ng Omicron variant.
Giit ng kongresista, hindi natin kakayaning magsara muli ang ekonomiya kung saan dito pumapasok ang kinakailangang pondo para makatugon sa pandemya.
Apela ni Nograles, gawin ng IATF ang lahat ng paraan upang hindi mauwi sa Alert Level 4 ang Metro Manila.
Tinukoy pa ng mambabatas na sa ilalim pa lang ng Alert Level 3, P3 billion kada linggo ang nawawala sa ekonomiya dahilan kaya naman halos lahat ng Metro Manila mayors ay ayaw nang higpitan pa ang economic activity.
Marami aniyang empleyado ang maaapektuhan tulad ng hirap sa pagbyahe, pagsasara ng mga establisyimento at pagkawala ng trabaho.
Kaya naman umaaapela ang kongresista na ikonsidera ito ng IATF at huwag pabigla-bigla sa magiging desisyon.