Cauayan City, Isabela- Nagpulong pulong kahapon ang konseho ng lungsod sa isinagawang committee hearing upang pag usapan ang panukalang ordinansa na mabigyan ng insentibo ang mga senior citizen sa Lungsod ng Cauayan.
Matatandaan na base sa nakasaad na panukala ni City Coun. Rufino Arcega na simula 95 anyos pataas ay mabibigyan na ng insentibo na halagang sampung (10 ) libong piso kada taon.
Sa isinagawa namang pulong kahapon ay hiniling ni City Coun. Bagnos Maximo sa konseho na kung maaari ay ibaba sa 90 anyos na senior citizen ang tatanggap ng insentibo upang lalong maramdaman ng mga ito ang kanilang tatanggaping ayuda.
Ayon naman kay City Coun. Ceasary Dy, Jr. , hiniling nito na simula 90 hanggang 94 anyos ay tatanggap ng limang (5) libong piso habang ang edad 95 pataas naman ay mabibigyan ng sampung (10) libo maliban pa sa tatanggapin nilang P100,000.00 mula sa National Government.
Ilan din sa mga pinag usapan ay ang tagal ng pananatili ng isang senior citizen sa lungsod upang mabigyan ng prayoridad ang mga matatanda na matagal nang nanatili sa Lungsod.
Inaasahan na sa susunod na committee hearing ay maipapasa na ang nasabing ordinansa upang mapakinabangan na ito ng mga kwalipikadong senior citizen bilang maagang pamasko.