Eddie Garcia Bill, lusot na sa Kamara

Sa botong pabor ng 240 na mga kongresista at walang tumutol ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 1270 o mas kilala bilang “Eddie Garcia Bill.”

Ipinangalan ang panukala sa beteranong aktor na si Eddie Garcia na nasawi noong 2019 dahil sa aksidente habang nasa taping ng isang teleserye.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, layunin ng panukala na proteksyunan, bigyan ng maayos na working environment at tiyaking hindi naaabuso sa kanilang trabaho ang libu-libong manggagawa sa entertainment sector o independent contractors sa pelikula, telebisyon at radyo.


Itinatakda ng panukala ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng employer at independent contractor bago magsimula ang proyektong gagawin, at nakalagay na rito ang oras at ang gagawing serbisyo.

Base sa panukala, ang sweldo sa kanila ay hindi maaaring mas mababa sa minimum wage at dapat ay mayroong benepisyo mula sa Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund at PhilHealth.

Nakapaloob din sa panukala na dapat umaayon sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang pagkuha ng mga menor-de-edad.

Facebook Comments