Inilunsad ngayong araw ang pilot implementation ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program ng pamahalaan na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
50 benepisyaryo mula sa inisyal na tatlong libo para ngayong taon ang binigyan ngayong araw ng electronic benefit transfer o EBT card na siyang gagamiting pambayad sa tatlong libong pisong halaga ng ayudang pagkain.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos Jr., sinabi nitong umaasa siyang sa pamamagitan ng programang ito ay wala nang Pilipino ang magugutom.
Kanina ay sinubukan nang gamitin ang EBT card sa Kadiwa ng Pangulo na inilagay sa Don Bosco Youth Center sa Tondo, Maynila, kung saan ginaganap ang Food Stamp Program.
Ayon naman kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Edu Punay na saklaw ng tatlong libong pisong halaga ng pagkain na pwedeng mabili ng benepisyaryo ay 50% carbohydrates, 30% protein at 20% na fiber at iba pang bitamina at minerals.
Bukod sa NCR, isasagawa rin ang pilot testing sa Cagayan Valley Region, Bicol Region, Caraga Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).