Alas-sais pa lang ng umaga ay bumungad na sa mga public commuter ang bahagyang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Dagupan partikular na sa Lucao District dahilan sa mga motorcade na isinagawa ng ilan sa mga kandidato para sa nalalapit na Barangay at SK Elections.
Pagdako naman sa mga bayan ng Bugallon, Lingayen, at Binmaley ay ganoon din ang sistema ng pangangampanya. Ang ilan sa mga kandidato at supporters ay lulan ng mga pribadong sasakyan habang ang ilan naman ay nagha-house to house para ipakilala sa mga botante ang mga tumatakbo sa posisyon. Nagkalat na rin sa lansangan ang mga tarpaulin, campaign posters, at ang iba ay may campaign jingles pa na ipini-play sa tuwing maglilibot sila.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Commission on Elections (COMELEC) Pangasinan Provincial Supervisor Atty. Marino Salas ang mga kandidato ukol sa Election guidelines ng COMELEC. Nakapaloob dito ang budget ng bawat kandidato sa kanilang pangangampanya na hindi dapat hihigit sa limang piso kada campaign material. Bukod dito, binigyang-diin din ni Atty. Salas ang sizes ng mga posters at streamers na may sukat na 2 feet by 3 feet at 3 feet by 8 feet. Para naman sa mga pamphlets, leaflets, stickers, decals, at iba pang printing materials, ang sukat ay hindi dapat lalagpas sa 8 and 1/2 inches. Alin man sa mga materyales na gagamitin, kailangang nakakabit o nakapaskil sa designated poster areas na provided sa mga barangay o ‘di kaya sa private properties na nagbigay permiso sa kanila para gawin ang pagpapaskil. Ipinaalala rin niya na ang bawat kandidato para sa Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay Elections ay required at mandated na mag-file ng kanilang mga Statement of Contributions and Expenditures o SOCE, manalo o matalo man pagsapit ng June 13, 2018 o mas maaga pa rito. Ang mananalong mga kandidato na papalya sa pagpasa ng SOCE ay may sanction na hindi agarang pagkakaluklok sa pwesto ayon sa Section 14 ng Republic Act 7166.
Sa mga susunod na araw pa ng kampanya hanggang sa pagtatapos nito sa May 12 ay inaasahan pang mas kikilos pa ang mga kandidato para sa inaasahang pagkapanalo sa kani-kanilang mga posisyong tinatakbuhan. Samantala, umaasa naman ang COMELEC na magiging mapayapa ang eleksyon ngayong taon. Dagdag pa nila, piliin natin ang nararapat, ang mahusay, at may malasakit sa kapwa at sa bayan.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton