Embahada ng Pinas sa Thailand, umalma sa ‘land of COVID-19’ na bansag ng isang diyaryo

PRESIDENTIAL PHOTO

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Philippine Embassy sa Bangkok matapos tawagin ng isang Thai newspaper na “land of COVID-19” ang Pilipinas.

Lumabas ang naturang bansag sa article ng Thai Rath nitong Linggo, tungkol sa pagdating doon ng Filipino teachers.

“165 PH teachers arrived at Thailand from the land of COVID,” saad sa headline na umani rin ng batiko sa social media.


Sa sulat na ipinadala sa editor-in-chief ng diyaryo, sinabi ni Consul General Val Simon Roque na “inappropriate” at “insensitive” ang naturang pagsasalarawan.

Hindi rin daw ito nakatutulong sa panahon kung kailan dapat magkakatuwang ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Iginiit din ni Roque na sumusunod sa health at quarantine protocols ng gobyerno ng Thailand ang Filipino teachers.

Nitong Lunes, umakyat na ang COVID-19 cases ng Pilipinas sa 136,638 — pinakamaraming tala sa mga bansa sa Southeast Asia.

Facebook Comments