Emergency Assistance na Tulong ng Gobyerno, Muling Ipinanawagan ng mga Cagayanos!

Cauayan City, Isabela- Muling ipinanawagan ng grupong Danggayan Dagiti Mannalon sa pamahalaan ang Financial Assistance na tulong na hindi pa naibibigay sa mga nasalanta ng bagyong Lawin noong mga nakaraang taon.

Ito ang inihayag ni ginoong Isabela Adviento, ang tagapagsalita ng “Danggayan Dagiti Mannalon” sa lalawigan ng Cagayan hinggil sa kanilang isinagawang pagdulog sa tanggapan ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) na nilahukan ng nasa libong magsasaka ngayong araw.

Aniya, matagal nang nagkaroon ng kilos protesta ang mga magsasaka at biktima ng Bagyong Lawin sa naturang lalawigan kung saan pinangakuan umano ng pamahalaan na bibigyan ng Emergency Assistance ang mga nabiktima ng bagyong Lawin subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa umano natatanggap ng mga ito ang ipinangakong tulong.


Inihayag pa ni ginoong Adviento na hindi umano masisisi ang mga magsasaka sa kanilang isinasagawang pagtitipon dahil mayroon din umanong isyung naganap noon kung saan nangunang nakatanggap ng financial assistance ang mga hindi gaanong nasiraan ng bahay samantalang ang mga mismong napuruhan ay hindi nakatanggap ng tulong.

Umaasa naman ang kanilang grupo na sa pamamagitan ng kanilang pagtitipon- tipon ay agad nang maibigay ang tulong na ipinangako ng gobyerno.

Samantala, inihayag rin ni ginoong Adviento na nakatakdang makipag dayalogo ang kanilang grupo sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) ngayong araw upang pag-usapan ang mga naturang isyu.

Facebook Comments