
Mahigpit ang direktiba ng Department of Energy (DOE) na agad ipatupad ang fuel conservation at prioritization measures sa electricity sector.
Kasunod ito ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110.
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, layunin ng kanilang hakbang na mapanatili ang matatag na suplay ng kuryente.
Kabilang dito ang pagprotekta sa mga consumer laban sa posibleng pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa patuloy na pagmahal ng fuel sa global market.
Saklaw ng kautusan ang mga power generation companies, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), mga distribution utilities, electric cooperatives, at iba pang kalahok sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Dagdag ni Garin, bahagi ito ng mas pinaigting na aksyon ng gobyerno upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa gitna ng tumataas na presyo ng langis, coal, at liquefied natural gas (LNG) dahil sa tensyon sa Middle East.
Batay sa paunang pagtaya, maaaring lumagpas sa ₱9 kada kilowatt-hour ang presyo ng kuryente sa WESM mula sa dating average na ₱5 o mas mababa, habang inaasahan ding tataas ang presyo mula sa bilateral contracts.
Bilang tugon, inaatasan ang mga kumpanya na panatilihin ang sapat na fuel inventory na hindi bababa sa 15 araw, i-monitor at agad i-report ang anumang kakulangan sa suplay, pahusayin ang system dispatch, at palawakin ang paggamit ng renewable at lokal na energy sources.
Gagamitin din ang coal-fired plants upang mabawasan ang pagtaas ng presyo ng kuryente.
Pinag-aaralan din ang paggamit ng alternative fuel tulad ng mas mataas na biodiesel blends at co-firing upang makatulong sa cost reduction at sapat na suplay.










