
Hihigpitan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagbabantay sa pagpapatupad ng emergency drills sa mga domestic vessels upang matiyak ang kahandaan ng mga barko at tripulante sa oras ng kagipitan.
Ayon kay MARINA administrator Sonia Malaluan, kailangang masubok sa aktuwal na sitwasyon ang kahandaan ng mga tripulante, kabilang ang wastong paggamit ng safety equipment at pagsunod sa emergency procedures.
Kasabay nito, inatasan ng MARINA ang concentrated fire safety inspection sa MV Star San Carlos at MV October Lavender ng Atienza Knterisland Ferries, Inc. na suriin ang firefighting equipment, safety systems at operational readiness ng mga barko at crew.
Isasagawa ang inspeksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sunog sa MV June Aster sa Coron, Palawan katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG).
Nananatiling suspendido ang mga lisensya ng mga tripulante habang inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw ang initial report ng MARINA.










