Empleyado ng Gobyerno, Sugatan sa Salpukan ng Motorsiklo at Kotse sa Cauayan City

Cauayan City Isabela- Sugatan ang isang lalaki makaraang bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa sinusundang kotse pasado alas sais ng umaga nitong Miyerkules Disyembre 8, 2021 sa National highway na sakop ng Barangay Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Ang biktima ay nakilalang si Rodel Vicente, 45 anyos, may asawa, government employee, residente ng Barangay 2, Jones, Isabela habang ang suspek ay nakilalang si Edison John Musni, 45 anyos, may asawa, drayber, residente ng 1124 MBA Bagumbong, Kaloocan City.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, parehong bumabaybay sa kalsada sina Vicente lulan ang minamanehong motorsiklo at Musni sakay naman ng kanyang minamanehong kotse patungo sa direksyong Hilaga partikular sa Poblacion ng Cauayan City.


Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, pumagilid at pansamantalang huminto sa daan ang kotse at kalauna’y nag-u-turn sa kaliwang bahagi ng kalsada.

Habang ang motorsiklo na sakay ng biktima ay nag-overtake naman sa isa pang sinusundang motorsiklo hanggang sa aksidenteng sumalpok sa kaliwang bahagi ng papalikong kotse.

Tumilapon sa kalsada ang biktima at nagtamo ng sugat sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan na agad namang dinala ng mga rescuers sa Isabela United Doctors Medical Center (IUDMC) para sa agarang lunas.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Cauayan City Police Station ang dalawang sasakyan na nasangkot sa aksidente para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments