Cauayan City, Isabela- Muntik-muntikan ng mabiktima ang isang empleyado ng iFM Cauayan ng mga miyembro ng sindikatong nagpapakalat ng iba’t ibang pekeng foreign currency at mga titulo ng lupa para hanapan umano ng mapagbebentahan.
Sa eksklusibong panayam ng iFM Cauayan kay alyas ‘Jane’, personal siyang kinausap ng isa sa mga nahuling suspek kung saan pwedeng ipapalit ang karto-kartong ‘zimbabwe’ dollar na sinasabing nahukay ng kaanak ng suspek mula sa bayan ng Alicia, Isabela.
Batay sa kwento ni ‘Jane’, kanyang sinabihan ang isa sa mga suspek na magdala ng ilang piraso ng nasabing dolyar upang maisuri sa bangko partikular ang halaga nito subalit tumanggi ito hanggang sa mabalitaan na lamang niya na naaresto ang suspek.
Nahuli ang suspek kasama ang iba pang namemeke ng nasabing pera sa ikinasang operasyon ng CIDG Isabela.
Nagpakita pa umano ng titulo at hiniling ng suspek kay alyas ‘Jane’ na hanapan ng ‘buyer’ ang 20 ektarya na lupa subalit napag-alaman rin na peke ang mga dokumentong ipinakita sa kanya.
Nabatid na nag-ooperate ang nasabing sindikato sa mga lugar ng Region 4a at 4b maging sa National Capital Region (NCR).
Una nang kinumpirma ng Police Regional Office 2 na umaabot sa trilyong piso ang halaga ng mga pekeng perang nakumpiska sa walong (8) katao na nahuli sa operasyon ng CIDG sa Tumauini, Isabela.