Naguilian, Isabela – Kaagad na nagpa-blotter kahapon sa PNP Naguilian ang anak ng empleyado ng korte na biktima ng umanoy iligal na entrapment kamakailan dahil sa umaaligid na puting SUV na walang plaka sa kanilang bahay.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Francisco Dayag, hepe ng PNP Naguilian na ayon umano sa anak ni Mrs. Merlyn Garo na si Maria Teresa Ferer, tatlong beses na huminto sa tapat ng kanilang bahay ang SUV.
Hindi umano makilala ang mukha ng apat na katao na nasa loob ng SUV dahil sa hindi gaanong ibinababa ang bintana ng nasabing sasakyan.
Nagtatanong pa umano sa lugar ang taong nakasakay sa SUV na puti kung nandoon lamang si Merlyn Garo.
Dahil dito sinabihan umano ni Inspector Dayag ang anak ni Merlyn Garo na iikutan lagi ng kapulisan ang kanilang barangay.
Kinausap narin ni Dayag ang kapitan ng barangay upang palabasin ang mga tanod ng lugar upang bantayan ang lugar ni Mrs. Merlyn Garo.
Matatandaan na nagpahayag mismo dito sa RMN Cauayan sina Mrs Merlyn Garo at Ruby Minda Diamante kaugnay sa umanoy iligal na entrapment sa kanila ni Judge Rodolfo Dizon ng RTC Branch 18.