Empleyado ng LGU Lasam, Cagayan, Patay sa Pamamaril

71

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang empleyado ng LGU Lasam, Cagayan matapos pagbabarilin sa pambansang lansangan ng barangay Callao Norte sa nasabing bayan.

Wala nang buhay at duguan nang matagpuan kaninang umaga ang katawan ng Municipal Administrator ng Lokal na Pamahalaan ng Lasam na kinilalang si Benjamin Augustus Agatep y Fabico, 55 taong gulang, may-asawa, residente ng Brgy Callao Sur, Lasam, Cagayan.


Una rito, pasado alas singko ng umaga ngayong araw nang nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang PNP Lasam na may natagpuang nakahandusay na katawan ng lalaki sa bahagi ng national highway ng naturang bayan.

Agaran namang rumesponde ang kapulisan sa nabanggit na lugar kung saan naabutan ang duguan at wala ng buhay na biktima dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang nagbi-bisikleta si Agatep ay pinagbabaril ito ng riding-in-tandem na mga salarin.

Kasalukuyan nang tinutugis ng mga alagad ng batas ang mga salarin at patuloy din ang malalimang imbestigasyon.




Facebook Comments