Cauayan City, Isabela- Tuluyang inaresto ng mga alagad ng batas ang isang empleyado ng LGU Santiago City dahil sa pamemeke nito ng COVID-19 test result sa mismong border control checkpoint ng PNP Pagudpud sa barangay Pasaleng ng naturang bayan sa Lalawigan ng Ilocos Norte.
Kinilala ang nahuli na si Emmanuelle Dioses, 37 taong gulang, may-asawa, administrative aid ng LGU Santiago City at residente ng brgy. Victory Norte sa nasabing lungsod.
Una rito, dakong alas 8:30 kagabi, Enero 24, 2021 nang tumawag sa himpilan ng pulisya ang pulis na nakabantay sa border checkpoint dahil sa kahina-hinalang RT-PCR na iprinisenta ng suspek na kung saan isa lamang itong photo copy at halatang pinalitan ang petsa nito at wala ring dried seal mula sa City Health Office ng Santiago.
Nang beripikahin ng pulisya ang natanggap na impormasyon mula sa kanilang spokeperson na kinilalang si Myla Facmar ay sinabi nito na naibigay sa suspek ang nasabing dokumento noong December 20, 2020 at hindi January 20, 2021.
Dahil dito, agad na dinakip ng mga pulis ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon at dinala rin sa Bangui district hospital para sa medical examination.