Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang empleyado ng telecommunication company matapos umanong makumpiskahan ng bloke-blokeng pinatuyong dahon ng marijuana pasado alas-2:30 ngayong hapon sa Purok 2, Brgy. Calaocan, Santiago City,Isabela.
Kinilala ang suspek na si Narciso Buen Jr., 24-anyos, binata, isang ladderman at residente ng Brgy. Divisoria sa naturang lungsod.
Dinakip ang suspek ng pinagsanib pwersa ng PDEA Quirino PO, RDEU, CDEU SCPO, SDEU SCPS 1 at Regional Intelligence Unit matapos ang isinagawang buy- bust operation.
Nakumpiska sa pag-iingat ni Buen ang apat (4) ricks ng hinihinalang marijuana, isang (1) rectangular form ng marijuana at isa pang plastic sachet na naglalaman ng marijuana at seed na tumitimbang ng 6kilos na tinatayang may market value na P720,000.
Maliban dito, kinumpiska rin sa kanya ang isang motorsiklo na walang plaka at cellphone.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nasa kustodiya ng Presinto Uno ng Santiago City Police Office.