Wasak ang katawan ng isang civil engineer matapos masabugan ng vintage bomb na tinangka niyang buksan sa pag-aakalang may lamang ginto, Lunes ng umaga sa General Santos City.
Kinilala ang biktimang si Engr. Vincent Degula, 40, mula Cebu City at nangungupahan sa Purok Hechanova, Barangay Poblacion, Polomok, South Cotabato.
Ayon sa pulisya, sinusubukan ng biktima na buksan ang bomba gamit ang electric grinder nang bigla itong sumabog sa bahay ng kaibigang binisita niya sa Sitio Lamkwa, Barangay Maligo.
Nagtungo si Degula sa nasabing lugar kasama sina Pastor Moises Villar at Nestor Fundar para sana tumingin ng bibilhing lugar.
Dumiretso ang tatlo sa bahay ng kinilalang si Joseph Namion kung saan nakisaksak si Degula ng dala niyang electric grinder.
Batay sa salaysay ni Namion, ginamit ng biktima ang grinder sa dala-dala niyang silindrong metal na nasa 12 hanggang 14 pulgada ang haba.
Binalaan na umano ni Villar ang engineer na maaaring bomba ang nakitang metal, ngunit nagpumilit si Degula na may laman itong ginto.
Ilang saglit pa ay sumabog ang bomba na agad daw ikinasawi ng biktima.
Sa lakas daw ng pagsabog, maging si Villar na umiihi sa pinyahang walong metro ang layo sa bahay ay tumilapon, ngunit wala namang tinamong pinsala.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung saan nanggaling ang vintage bomb.