Friday, March 13, 2026

DOJ, nilinaw na walang batas na nagbabawal sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC

Walang batas na nagbabawal sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang paninindigan ng Department of Justice (DOJ) kasunod ng pahayag ni dating DOJ Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakipag-usap sila sa mga kinatawan ng ICC matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, walang nakasaad sa batas na hindi pwedeng makipagtulungan ang gobyerno sa ICC o iba pang international agencies.

Ipinaliwanag ni Martinez na ito ang dahilan kung bakit kinukuwestiyon ng ilang indibidwal sa Korte Suprema ang kooperasyon ng pamahalaan sa ICC nang arestuhin at ipadala sa The Hague ang dating Pangulong Duterte.

Pero nilinaw ni Martinez na sa ngayon ay walang direktang ugnayan ang Justice Department sa ICC ngayong nagpalit na ng kalihim ang kagawaran.

Dati na kasing sinabi ni Remulla na nakikipag-ugnayan sila sa ICC para sa mga biktima na tumetestigo sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sa kabila nito, hihintayin pa rin daw ng Justice Department ang ruling ng Kataas-taasang Hukuman kaugnay sa posibleng paglalabas ng mga karagdagang arrest warrant ng ICC.

Facebook Comments