Cauayan City, Isabela- Hindi maipagkaila ng hepe ng PNP Gattaran sa lalawigan ng Cagayan na nagkaroon ng ‘trauma’ sa mga residente na nakatira sa barangay Mabuno ng nasabing bayan kung saan naganap ang sagupaan sa pagitan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at kapulisan sa lugar.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Raymund Baggayan, hepe ng PNP Gattaran, kanyang pinayuhan ang mga nakatira at nakasaksi ng engkuwentro sa lugar na huwag matakot kung may makitang umaaligid o armado sa lugar na agad ipaabot sa kapulisan o opisyal ng barangay upang agad na matugunan.
Kinausap na rin ang mga bata at magulang na huwag ma-trauma upang hindi magdulot ng masama sa kanilang kalusugan.
Ayon sa Hepe, talagang inabangan ng mga rebelde na tinatayang nasa mahigit apat (4) na katao ang pagdating ng mga pulis sa barangay na nagsasagawa ng ‘Libreng Pabahay Project’ sa isang benepisyaryo na dati rin suporter ng NPA.
Nagsitakbuhan aniya ang mga residente sa lugar maging ang mga bata nang marinig ang palitan ng putok ng baril mula sa kalaban at tropa ng pamahalaan.
Tumagal ng limang (5) minuto ang sagupaan sa pagitan ng NPA at tropa ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Cagayan Police Provincial Office at kalauna’y umatras din ang mga rebelde.
Nagpapasalamat naman ang Hepe dahil walang nasaktan o namatay sa nangyaring insidente.
Nagpasaklolo na rin ang kapulisan kahapon sa hanay ng 77th Infantry Battalion ng Philippine Army para sa clearing at manhunt operation laban sa mga nakasagupang rebelde.