Pirmado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Executive Order (EO) No. 7 para sa boluntaryong pagsusuot ng facemask sa indoor areas.
Nakasaad sa naturang EO, mahigpit pa rin na inirerekumenda ang pagsusuot ng face mask ng mga senior citizen, may mga comorbidities, immunocompromised, buntis, mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 at may mga sintomas ng nasabing sakit.
Dagdag pa, may mga lugar pa rin na required ang pagsusuot ng face mask gaya ng mga sumusunod:
Healthcare facilities, kabilang na ang clinics, hospitals, laboratories, nursing homes at dialysis clinics;
Medical transport vehicles, kabilang na ang ambulances at paramedic rescue vehicles; at
Public transportations
Batay din sa EO, hinihikayat ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa sa kanilang nasasakupan ang vaccination at booster coverage at regular na magsumite sa Department of Health (DOH) ng kani-kanilang vaccination status.
Nanawagan din ang pangulo na patuloy na sundin ang mga safety and health protocol tulad ng proper hygiene, laging paghuhugas ng kamay, physical distancing, at paglalagay ng mahusay na ventilation o daloy ng hangin sa mga indoor setting.
Matatandaang, una nang nagpalabas si PBBM ng EO No. 3 noong September 12 na pinapayagan na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor areas.
Samantala, ilang health expert naman ang tutol sa naging desisyon ni Pangulong Marcos Jr., hinggil sa mas maluwag na face mask policy sa bansa dahil sa banta ng mga Omicron subvariants.