Hinimok ni Deputy Speaker Loren Legarda, ang gobyerno at mga Local Government Units (LGUs) na magpatupad ng epektibong flood control management, ecological solid waste management at localized early warning systems upang maiwasan ang matinding pagbaha sa Metro Manila at sa mga mababang lugar sa bansa.
Binigyang diin ni Legarda na karamihan sa mga impacts ng climate change at disasters ay maaaring maiwasan tulad ng pagbaha dahil may mga mekanismo namang maaaring ilatag tulad ng dams, dikes at drainage systems.
Tinukoy ng kongresista na ang hindi maayos na drainage system at kawalan ng tamang garbage disposal ay ilan din sa mga nagpapalala ng epekto ng pagbaha.
Napuna din ng lady solon na ang mga waterways o daanan ng tubig ay tinitirahan na ng mga tao na nakakaapekto sa water flow, maintenance at desilting.
Dahil sa pagtaas ng populasyon at urban-congestion, ang mga basura mula sa mga tao ang siyang nagbabara sa mga waterways papasok sa mga pumping stations kaya tumitindi na ang pagtaas ng tubig tuwing may bagyo.
Bunsod nito ay hinikayat ni Legarda ang lahat ng LGUs na ipatupad ang batas sa ecological solid waste management upang sa mga bahay pa lang ay maihiwalay na ang mga nabubulok, hindi-nabubulok at hazardous na basura at mai-recycle ang mga plastic.
Umapela rin ang mambabatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na regular na linisin ang mga kanal at drainage, gayundin ay nanawagan ito sa pamahalaan na paigtingin pa ang mga flood mitigation projects tulad ng river dredging, dike construction, at tree planting.