Wednesday, March 11, 2026

Epekto ng pagtaas ng fuel prices, dapat mabilis na i-absorb ng ekonomiya ayon sa dating kalihim ng DOE

Pinayuhan ni dating Energy Secretary at ngayo’y Philippine Ambassador to the Holy See (Vatican) Raphael Lotilla ang kasalukuyang pamunuan ng Department of Energy (DOE) na i-absorb lamang ng mabilis ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa confirmation hearing ng Committee on Foreign Affairs ng Commission on Appointments para sa ad interim appointment ni Lotilla, tinanong ni Senator Risa Hontiveros kung ano ang maipapayo ng Ambassador bilang naging dating kalihim ng Energy Department para maibsan ang epekto ng fuel price hike dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay Lotilla, nang pumutok ang Ukraine-Russia war noong 2022, ilan sa mga tiniyak niya noon ay ang pagkakaroon ng sapat na power supply at generation of power sa mga powerplants.

Gayunman, batid ng dating kalihim na ang Iran war ay isang extraordinary case ng pagtaas ng presyo lalo na sa fuel sector na ang pangunahing pinagkukunan ay sa Gitnang Silangan.

Sa usapin aniya ng price impact, mipapayo ni Lotilla ay i-absorb lamang ito at hayaang dumaan sa ekonomiya sa mabilis na paraan.

Paliwanag ni Lotilla, kung temporary lang naman ang epekto ng gulo, ang inflationary effects ng mataas na presyo ng langis ay isang beses lang dadaan.

Oras naman aniya na mag-normalize ang sitwasyon ay tiyak na babalik ulit sa dating mababang presyo ang langis at produktong petrolyo.

Facebook Comments