
Nagsagawa ng pagpupulong ang pamahalaang lungsod kasama ang mga lider ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Dagupan City upang talakayin ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na dulot ng umiigting na tensyon sa Middle East.
Dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Public Order and Safety Office at ng City Legal Office, kasama ang 85 pangulo ng iba’t ibang TODA sa lungsod. Layunin ng talakayan na pakinggan ang mga hinaing at alalahanin ng sektor ng mga tricycle driver na direktang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang kahalagahan ng pakikinig sa boses ng mga tsuper at operator upang makabuo ng mga konkretong hakbang na makatutulong sa kanilang kabuhayan. Ayon sa mga opisyal, patuloy na hinahanap ang mga posibleng solusyon upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng gastos sa operasyon ng mga tricycle.
Sa lungsod, tinatayang nasa halos 2,700 tricycle drivers ang umaasa sa sektor na ito para sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan. Dahil dito, mahalagang matiyak na may malinaw na suporta at programa para sa kanila sa gitna ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.
Patuloy namang makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan at ang Sangguniang Panlungsod upang makapaglatag ng mga hakbang na magbibigay ng pangmatagalang solusyon at suporta sa sektor ng transportasyon, lalo na sa mga tricycle driver na kabilang sa mga pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










