Naantala ang isang biyahe ng eroplano matapos magpanggap na may karamdaman ang isang babaeng pasaherong gusto lang umanong makakuha ng mas malaking puwesto, ayon sa pulisya.
Napilitang bumalik sa airport ang biyahe ng American Airlines mula Pensacola, Florida papuntang Miami makaraan ang isang oras sa himpapawid nang magsimulang dumaing ng sakit ang hindi pinangalanang babae, noong Biyernes.
Ilang saglit pa lang daw pagkalipad ng eroplano, nangungulit na ang pasahero na bigyan siya ng mas maluwag na upuan at nang hindi mapagbigyan ay “nagkasakit” ito.
Nadiskubreng pinepeke lang ng babae ang karamdaman pagkalapag sa airport, dahilan para pababain siya sa eroplano.
Tumangging lumabas ang pasahero, kaya napilitang tumawag sa pulisya na kalaunan ay nagawa siyang kumbinsihin.
Isinailalim sa kostudiya ng pulis ang babae at inilipat sa mental health facility upang tingnan, bago tuluyang pakawalan nitong Lunes, ayon sa sinabi ng Pensacola Police Department sa ABC News.
Umalis ang eroplano bandang 5:43 a.m, bumalik nang 6:26 a.m dahil sa insidente at muling bumiyahe nang 7:41 a.m.
RELATED STORIES:
Pasaherong Chinese, binuksan ang emergency exit ng eroplano para sa ‘sariwang hangin’
Chinese, pinagmulta matapos maghagis ng barya mula sa eroplano dahil sa pamahiin