Manila, Philippines – Idineklara nang persona non grata ng Philippine Military Academy Alumni ang broadcaster na si Erwin Tulfo.
Ito ay matapos bastusin ni Tulfo si DSWD Secretary Rolando Bautista.
Ayon kay PMA alumni spokesperson Colonel Noel Detoyato, nabuo ang deklarasyon sa pamamagitan ng isang board resolution na pinirmahan ni PMAAAI Chairman at CEO, retired Major General Rufo De Veyra at President and COO, Police Colonel Arthur Bisnar.
Nakasaad sa resolusyon ang mga bastos na pananalita ni Erwin Tulfo laban kay Bautista na miyembro ng PMA Class of 1985.
Ang kabastusan ni Erwin Tulfo ay paglabag sa broadcast code ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Journalist’s Code of Ethics ng National Press Club.
Paglabag din anila ito sa R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nagkasundo ang PMAAAI board of directors na hindi kailanman bibigyan ng importansya ang presensya ni Erwin Tulfo sa lahat ng aktibidad ng asosasyon maging sa mga chapter members at affiliate organizations.
Hindi na rin daw ito mapapabilang sa mga pribelihiyo na ibinibigay sa mga responsible media practitioners.