Hindi pa masasabing “off-the-hook” na si Executive Secretary (ES) Victor Rodriguez sa kontrobersyal na Sugar Import Number 4.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa gaganaping ikalawang pagdinig ng blue ribbon committee bukas kaugnay sa iligal na sugar importation.
Mababatid na hindi natanong sa nakalipas na pagdinig si Rodriguez dahil kinailangan nitong makabalik agad sa Malakanyang para sa cabinet meeting.
Ayon kay Pimentel, may mga nais siyang linawin kay Rodriguez kaugnay sa naunang testimonya kung saan kanyang i-do-double check ang ilang mga detalye at pangyayari partikular sa inisyung memo nito kay dating Agriculture Secretary Leocadio Sebastian.
Matatandang sinabi ni Sebastian na sa naturang memo na inisyu ni Rodriguez noong July 15 ay binigyan siya ng otoridad na pumirma sa dokumento sa ngalan ng pangulo.
Para naman kay Senator JV Ejercito, masyado pang maaga para i-clear o linisin si Rodriguez sa imbestigasyon lalo na’t siya mismo ay marami ring tanong na nais klaruhin sa opisyal.
Dagdag pa ni Ejercito, dismayado siya sa isyu ng importation at smuggling sa asukal lalo’t may-akda siya ng Sugarcane Industry Development Act at Anti-Agricultural Smuggling Act.