Agad na tumugon ang National Irrigation Administration (NIA) sa naging epekto ng Super Typhoon Uwan sa mga pasilidad ng irigasyon sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa mga bayan ng Asingan at Urdaneta City, nagsagawa ng paglilinis ang tanggapan sa mga punong kahoy na natumba dahil sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyo.
Isinagawa rin ang inspeksyon sa ilang dam, kabilang ang Sinocalan Dam sa Sta. Barbara at Dumuloc Dam, upang suriin ang kalagayan ng mga imprastraktura.
Bukod dito, nauna nang nagsagawa ng field inspection ang ahensya upang alamin ang lawak ng pinsala sa mga irrigation systems, tulad ng mga kanal, dam, at iba pang estrukturang mahalaga sa pamamahagi ng tubig sa mga sakahan.
Ayon sa tala ng ahensya, walang naiulat na pinsala sa mga pananim dahil karamihan sa mga ito ay naani na bago pa man tumama ang bagyo.
Kaugnay nito, planong isagawa ang muling pagpipintura sa lahat ng diversion structures upang pagtibayin at panatilihing maayos ang kondisyon ng mga ito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








