Estudyante, patay matapos mabulunan ng chocolate cake sa isang palaro

(Photo from Unsplash)

MOSCOW, Russia – Nauwi sa kamatayan ang pagsali ng isang estudyante sa kompetisyon ng pagkain ng tatlong chocolate cake.

Kasama ang dalawang iba pang kalahok, nakipagtagisan si Alexandra Yudina, 23, isang student doctor sa naturang palaro na ginanap sa Killfish bar sa Moscow.

Ayon sa ulat, nakuhanan sa CCTV footage ng bar ang buong pangyayari kung saan makikita raw si Yudina na biglang nanghina at tila nalampa habang nasa kalagitnaan ng palaro.


Maya-maya ay nahirapan na raw sa paghinga ang biktima hanggang sa natumba at saka bumagsak sa sahig.

Agad namang tumulong ang staff ng bar maging ang mga kaklase ni Yudina ngunit bigo silang matanggal ang bara sa lalamunan nito.

Nang dumating ang ambulansya, hindi na nagawang mailigtas ng paramedics ang buhay ng dalaga.

Samantala, matapos ang trahedya ay naiulat ng mga kaibigan ni Yudina na una nang nasuriang may leukemia ito anim na buwan na ang nakararaan.

Base rin sa inilabas na report, hindi raw planado ang pagsali ng biktima sa naturang palaro, ngunit naisipang lumahok nang siya ay makarating na sa bar.

Facebook Comments