Estudyante, Patay Matapos Sumalpok sa Nakaparadang Truck

Cauayan City, Isabela- Binawian ng buhay ang isang estudyante matapos sumalpok ang minamanehong motorisklo sa nakapadarang sasakyan sa kahabaan ng pambansang lansangan ng Barangay San Pedro, Mallig, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Aljun Gongcakic, 18 taong gulang, grade 11 student at residente ng Sitio Catao, Brgy. Buringal, Paracelis, Mt. Province.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan PCapt Clarence Labasan, hepe ng PNP Mallig, lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nakipag-inuman ang biktima sa bahay ng kanyang kamag-anak sa brgy. Barucboc ng bayan ng Quezon kasama ang kanyang mga kaibigan.


Matapos makipag-inuman ay bumaybay sa kalsada ang biktima sakay ang minamanehong Honda XRM 125, walang plaka kasama ang dalawang kaibigan na lulan ng isa pang motorsiklo patungo sa Timog na direksyon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, bumangga ang biktima sa nakaparadang 10-wheeler truck na may plakang TMV 473 na minamaneho ni Jayson Mendoza, 38 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy Bagay, Tuguegarao City, Cagayan.

Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima matapos magtamo ng matinding pinsala sa katawan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng attending physician.

Ayon naman sa drayber ng truck, inaantok aniya ito kaya’t umidlip at ipinarada muna sa gilid ang sasakyan sa maliwanag na bahagi ng kalsada.

Nasa pangangalaga ngayon ng pulisya ang drayber ng truck maging ang mga sangkot na behikulo para sa tamang disposisyon.

Nakatakdang mag-usap ngayon ang pamilya ng magkabilang panig hinggil sa nangyaring insidente.

Facebook Comments