Executive Order para bigyan ng kapangyarihan ang mga barangay chairman na magdeklara ng lockdown, pinirmahan na ni Mayor Isko Moreno

Pinirmahan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang Executive Order no. 12 na nagbibigay kapangyarihan sa mga barangay chairman na magdeklara ng lockdown sa kanilang nasasakupan.

Sa nasabing kautusuan, maaaring isailalim sa lockdown ang isang barangay kapag may sampu o higit pang indibiduwal ang tinamaan ng COVID-19.

Sa loob ng tatlong oras ay kinakailangan naman na maiparating sa opisina ni Mayor Isko na inilagay sa critical zone containment ang isang lugar para sa kumpirmasyon nito.


Dalawang araw bago ipatupad ang lockdown ay aabisuhan na ng barangay chairman ang kanyang mga nasasakupan, mga may negosyo at iba pa hinggil sa paiiraling lockdown.

Ang Manila Health Department ang siyang magbe-beripika kung may aktibong kaso ng COVID-19 bago masimulan ng barangay ang lockdown.

Ayon kay Moreno, bawal lumabas ng bahay ang mga residente sa barangay na naka-lockdown habang pinapayagan ang mga essential worker, health care workers, Philippine National Police (PNP) at military personnel, barangay officials at mga media na may akreditasyon mula sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) at sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Ang mga tauhan naman ng Manila Police District na nakakasakop sa mga barangay na naka-lockdown ang inatasan na magbantay at siguraduhin ang kapayapaan.

Facebook Comments