Extension ng bisa ng 2021 budget hanggang sa katapusan ng 2022, aprubado agad sa ikalawang pagbasa ng kamara

Mabilis na nakapasa sa ikalawang pagbasa ang panukala na nagpapalawig sa bisa ng 2021 national budget hanggang sa katapusan ng 2022.

Dahil dito, inaasahang mabilis ding makakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10373.

Sa viva voce na botohan, ay napagtibay agad sa plenaryo ng kapulungan ang panukala na nagsusulong na i-extend o palawigin pa ang “validity” o bisa ng 2021 General Appropriations Act (GAA), mula sa Dec. 31, 2021 hanggang Dec. 31, 2022.


Nauna nang ikinatwiran ni House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na siyang may-akda ng panukala na dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang operasyon at release ng budget para sa proyekto ng mga ahensya ng pamahalaan.

Marami sa alokasyon sa pambansang pondo ngayong taon ay para sa pagtugon sa pandemya, kaya ikinatwiran sa panukala na mainam na palawigin ang bisa ng 2021 budget hanggang sa susunod na taon.

Facebook Comments