Inihayag ni University of the Philippines President Atty. Danilo Concepcion ang balak na magpatayo sa Diliman, Quezon City ng extension ng Philippine General Hospital o PGH na nasa Taft Avenue, Manila at hindi na maaaring palawakin pa.
Sinabi ito ni Atty. Concepcion sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget ng UP na nagkakahalaga ng ₱19.67 billion.
Ayon kay Concepcion, ang itatayong PGH Extension ay para sa 700 pasyente na maikokonsiderang paghahanda sakaling magkaroon uli ng health crisis tulad ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Concepcion, paglalaanan ito ng inisyal na pondong ₱3 bilyon at magkakaroon din ito ng College of Medicine at Cancer Research Center.
Hirit naman ni Senator Cynthia Villar, mas mainam na sa UP Los Baños itayo ang PGH Extension para magkaroon sa Southern Luzon ng public hospital na may kasamang medical school.
Tiniyak naman ni Atty. Concepcion na kasama sa kanilang pag-aaralan ang pagtatayo ng PGH sa Laguna gayundin sa Mindanao.