Inaprubahan ng National Economic and Development Authority o NEDA Board, na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng construction period ng dalawang pangunahing flood control projects sa bansa.
Ang mga ito ay ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project at ang Pasig Marikina River Channel Improvement Project Phase IV.
Ayon sa pangulo, nais niyang maging detalyado ang engineering ng flood control sa Cavite para maging angkop ito sa pagbago-bagong panahon.
Ibig sabihin, tataas sa higit ₱22 billion ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project mula sa orihinal na higit ₱9.9 billion.
Pinalawig ang proyekto ng 65 buwan o hanggang September 2029, mula sa orihinal na October 2019 hanggang April 2024 lang noon.
Samantala, nasa higit ₱57 billion naman mula sa higit ₱33 billion ang ilalaang pondo para sa Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase IV.
Ang implementasyon naman nito ay pinalawig mula December 2025 hanggang March 2031.