Face-to-face Classes ng Isabela Colleges, Pinatatanggal ng CHED

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) region 2 na walang face-to-face classes na nangyari kundi orientation at pamamahagi lamang ng gagamiting module ng mga estudyante na kumukuha ng professional education courses sa Isabela Colleges Inc. sa lungsod ng Cauayan.

Ayon kay Atty. Roderick Iquin, legal officer ng CHED, lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na walang regular class na naganap noong August 24 kung saan naitala ang isang estudyante na si CV969 na kalauna’y nagpositibo sa COVID-19.

Giit pa ni Iquin, walang kahit anong paaralan sa buong rehiyon ang kanilang pinayagan na magsagawa ng face-to-face encounter base na rin sa kautusan ng CHED central office.


Binibigyan naman ngayon ng CHED ng 10-araw ang pamunuan ng eskwelahan para magpaliwanag hinggil sa isyu at kung bakit walang ipinapataw na parusa sa mga personnel nito sa kabila ng bigong sundin ang direktiba ng ahensya.

Kinumpirma din ng CHED region 2 na posibleng marevoke o matanggal ang professional education course na ipinapatupad ng paaralan para sa mga kumukuha ng earning units.

Una nang pinabulaanan ng pamunuan ng eskwelahan na walang face-to-face classes na naganap at hindi rin aniya nagsabay ang 45 na katao para sa isinagawang orientation dahil 16 na mag-aaral lang ang nakapasok sa unang beses ng kanilang orientation.

Papatawan ng administrative sanctions ang pamunuan ng paaralan dahil sa paglabag sa direktiba ng CHED habang mahaharap din ito sa paglabag sa IATF guidelines.

Facebook Comments