Sisilipin ng Kamara ang naging hakbang ng Facebook sa pag-alis ng mga network at fake accounts na iniuugnay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ginawa ni Speaker Alan Peter Cayetano ang hakbang kasunod ng pagsita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tech-giant sa pagtanggal sa mga pro-government pages.
Iimbestigahan ng Mababang Kapulungan kung ang ginawa ng Facebook ay may paglabag sa freedom of expression na nakasaad sa saligang batas.
Tiniyak ni Cayetano na sisimulan agad ang pagsisiyasat pagkatapos na maipasa ang 2021 national budget sa unang linggo ng Oktubre.
Nababahala ang kongresista sa mistulang pagiging partisan ng Facebook dahil ang mga police at military pages ay binura nito gayong ang pages na humihikayat ng paglaban sa gobyerno, pagsuporta sa terorismo at karahasan ay nananatili sa nasabing social media network.
Nanawagan si Cayetano sa Facebook Philippines na pagnilayan at pag-isipang mabuti ang naging aksyon dahil ito’y nagmamaliit sa ‘democratic principles’ ng bansa.