FACT-CHECKING PROGRAM | Pagpili ng facebook sa Rappler at Vera Files bilang bahagi ng fact-checking initiative, inalmahan ng Malacañang

Manila, Philippines – Nababahala ang Malacañang sa pagpili ng facebook Asia-Pacific division sa Rappler at Vera Files bilang third party para sa kanilang fact-checking program.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat na bulabugin ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang facebook at sabihin na mali ang kanilang napiling third party na sumuri sa mga “fake news.”

Giit ni Roque, mismong ang Rappler ang nagpapakalat ng mga “fake news” sa social media.


Inihalimbawa pa ni Roque ang “fake news” ng Rappler na bawal nang magsagawa ng scientific research ang mga Pilipino sa Philippine Rise gayung ang kanyang sinabi ay hindi na kinakailangang kumuha ng permiso ang mga Filipino researcher para gawin ito.

Sinabi naman ni Presidential Communications Undersecretary for New Media Lorraine Badoy na makikipagpulong sila sa facebook para na iprotesta ang pagpili sa Rappler at Vera Files.

Facebook Comments